Wednesday, February 29, 2012

ka-IBIG-an

KAIBIGAN -  salitang simula noong aking kamusmusan ay hindi ko mabigyan ng eksaktong depinisyon. Mahirap ipaliwanag at lalong mahirap ilarawan kung ano nga ba ang tunay na sukatan ng isang kaibigan.

Sa aking murang kaisipan, kapag ang isang pangkat ng mga bata ay pumayag na sumali ako sa kanilang laro, tinatawag ko silang kaibigan. Kapag tuwing recess ay sinasabayan n'ya ako kung hindi man nililibre ay kaibigan na ang turing ko sa kanya. Pagtuntong ko ng hayskul, medyo naging kongkreto ang pagpapakahulugan ko sa bawat titik ng K-A-I-B-I-G-A-N. Nagsimula akong magkaroon ng permanenteng nakakasama tuwing umaga bao magsimula ang klase. Kasamang magkwentuhan sa pinakabagong kaganapan sa telenovelang lahat kami ay sumusubaybay. Karamay na naglilinis sa klasrom sa tuwing ang isa sa amin ay cleaners sa araw na 'yan. Kasabay sa panananghalian sa ilalim ng mga puno sa loob ng paaralan. Kakiligan sa tuwing may isa sa amin ang tumitibok na ang batang puso. Kasabay na tumitili sa tuwing dumaraan ang crush ng isa amin.  At higit sa lahat kaiyakan sa tuwing nararanasan ng mga dagok sa buhay teenager, problema sa pamilya at ang pinakapatok sa lahat- ang unang pagkabigo sa pag-ibig!

Pagpasok ko sa mundo ng buhay kolehiyo, nag-iiba na naman ang depinisyon ng isang kabigan. Nadaragdagan ang paglalarawan ngunit nababawasan ang bisa nito sa buhay. Hidi kagaya sa hayskul, hindi ko pwedeng angkinin ang lahat ng panahon na magkakasama kami, hindi sa lahat ng oras ay sabay kayong papasok at pare-pareho ang pinag-aaralan. Madalas pa nga, tuwing panaghalian o uwian na lang kayo nagkikita. 'Ika nga sa kasabihan "Kanya-kanyang diskarte na pagdating sa college!" Kung kaya't hindi nakapagtataka na wala akong masyadong nakabitan ng salitang kaibigan noong nagtapos ako sa aking kurso.

Pagkatapos mong magsulat ng sangkaterbang komposisyon, sanaysay, tula, term-paper, research-paper at thesis, pagkatapos mong maipasa si Algebra, si Calculus at si Statistics, pagkatapos mong paikutin at bali-baliin ang dila mo sa orations, monologue, dialogue at kung ano-ano pang speeches, lalabas ka na ngayon sa tunay na mundo! Uumpisahan mo na namang magpalipad ng resume sa lahat ng mga pwedeng pag-aplayan. Ipapaskil sa lahat ng mga on-line hiring ang iyong mukha at credentials. Sa lahat ng ito, gusto natin parating may kasama tayo. Kasamang gumawa ng resume, kasamang pumasa sa employer at kasamang maghanap ng isusuot sa unang interview. Ito na naman ngayon ang depenisyon ng isang KAIBIGAN!

Sa bawat bahagi ng ating buhay nagkakaroon tayo ng kanya-kanyang paglalarawan sa salitang ito. Nakakabuo tayo ng kanya-kanya nating batayan sa kung sino ang totoo at kung sino ang hindi sa lahat ng mga nakasalamuha sa daan ng buhay. Mahirap mang ipaliwanag, malabo mang magawan ng sukatan, iisa ang nananatiling konkreto sa salitang ito: Ang KAIBIGAN ay ang taong gusto nating kasabay sa paghakbang sa kahit anong uri ng landas ng buhay. Hindi natin gustong nauuna tayo dahil baka hindi na s'ya sumusunod at naiiwan na natin ang isa. Ayaw rin nating nahuhuli tayo dahil pakiramdam natin hindi natin mahalaga sa kanya. Gusto nating parati tayong magkasabay sa bawat hakbang, walang naiiwan, walang nauuna. Magkaramay sa lahat ng uri ng panahon, magkakampi sa bawat unos ng tagumpay at kapighatian!

Monday, February 27, 2012

Ang Lahat ng Pagsisimula ay Mahirap...

Sa isang mainit na hapon kung saan ang sikat ng araw ay nang-aakit na pumikit at magpahinga ay naisipan namin ng kabigan kong lumikha ng sarili naming blog. Matagal na naming gustong gawin ito. Sa totoo lang matagal na s'yang nakagawa, ako na lang ang hindi at nakokontentong sa facebook magsulat. Matagal na n'yang sinasabing mas maganda  kung blog na lang kasi mas maraming feature at baka mabasa pa ng iba ang mga blog mo, pag nagkataon, yayaman ka pa kagaya ng mga ibang bloggers! Actually, ito ang pinakagusto naming mangyari - ang yumaman! Kaya lahat kinakarir namin!

Makasaysayan para sa akin ang araw na nilikha namin ng sabay ang blog na ito. Unang-una BAWAL! Bawal ang gumamit ng internet sa mga bagay na walang kinalaman sa trabaho namin. Pero keri lang, ipagpalagay na lang natin na makatutulong ito para mapaunlad kami sa aming propesyon!!!Kaya inumpisahan namin ang paggalugad sa mundo ng blogger dat kom! Nakakalito sa umpisa pero keri lang naman kapag nakagawa ka na ng account mo. Nakakatawa pero parang naaalala ko ang unang araw na ginawa ko ang friendster account ko.

Ikalawang dahilan kung bakit makasaysayan ang araw na ito ay dahil NAHULI kami ng isa sa aming mga boss! Isipin mo na lang kung paano kami lumusot at gumawa ng kwento kung bakjit nakaharap kami sa internet sa oras ng trabaho!! Para kaming binuhusan ng nagyeyelong tubig pero hindiu dapat magpahalata! Kaya ayun! nakalusot naman! Ang sabi ko sa boss ko: "Naku bro, ito kasing si Karen tinuturuan akong mag blog kasi mas madali daw na magbigay ng mga impormasyon". Buti sumang-ayon ang tadhana sa aming palusot. Sinagot naman ako ng boss ko ng ganito: "Ay oo nga, tama yan mas mabilis nga sa blog".

Ikatlong dahilan, ang boss na naman ang kasama ko ang pumasok sa silid! PATAY! Tinanong nya kami ng: "Ano yan?" kaya para hindi naman masira ang reputasyon ng kaibigan ko dahil sa kakulitan ko, ako na ang gumawa ng panibagong eksena! " Naku maam, alam mo ang galing ng ginagawa nitong si Karen, ginagamit nya ang blog maam". Nabigla ako sa sagot ng boss ng kabigan ko: " Alam n'yo may account ako dyan, marami na akong nasulat, tingnan nyo ha, papabasa ko sa iyo" BLAGADAG!!!! Kapag nakikiayon nga naman ang tadhana sa'yo. Salamat na lamang at sumasang-ayon sa amin ang inog ng mundo sa mga araw na 'to.

Nakakatawa ang kaganapang ito. Pero marami akong natutunan. Mahirap ang lahat ng pagsisimula. Lahat ng nag-uumpisa ay nangangailangan ng tapang upang gawin ang unang maliit na hakbang. Pero kung hindi mo uumpisahan kailan ma'y hindi mo matutuklasan kung masasawi ka ba o magsasaya ka kagaya ng nararamdaman ko ngayon!