Isang umaga sa mga unang linggo ng Marso kung kailan papatapos na ang klase at habang sumisilay pa lamang ang malanding sikat ng umagang araw ay nasaksihan ko ang isang pangyayaring bumuhay sa mga natutulog na dugo at kalamnan ng sambayanan!
Maaga akong gumising nang araw na iyon , hindi ako nakapagkape sapagkat ayaw kong mahuli sa pagpasok pero pagdating ko sa Classroom ay tila na overdose ako sa aking natunghayan at buhay na buhay na ang aking diwa. Hindi na kailangan ang caffeine, tsokolate o kung ano pa mang pampagising! Ang eksenang itoý punong-puno ng nikotinang nakalalason sa pandama.
Nagsimula ang lahat sa isang tuksuhan sa klase. Actually, para lang may magawa kami maliban sa pag-aaral. Hindi naman namin aakalaing magkakatotoo ang lahat at seseryosohin ng bawat isa ang naturang biruan. Hindi ko inaakalaang makakayang gawin ng isang lalakeng mukhang bata ang mga nagawa niya sa kanyang kaklase!
Pagpasok ko sa silid ay natunghayan ko ang isang upuang may mga tsokolateng nakahugis puso, napapalibutan ng mga sticky notes na kinasusulatan ng mga mensahe at dalawang pirasong bulaklak. Ang malupit pa nito, kakontsaba ang mga kaklase sa paghahanda. Ang plano pala ay sosorpresahin ni lalake si babae ng umagang iyon.
May isang kaklase ang tumatawag sa babae upang tanungin kung nasaan na ito upang mapaghandaan ang pagdating niya. Ang iba naman ay abala sa choreography kung anong gagawin pagpasok ni girl. Habang si guy naman ay halatang kinakabahan kung magtatagumpay ba sa kanyang plano.
Pagdating nga ni girl, isang romantikong awitin ang kinanta ng mga kaklase at kasabay ay ang paglabas ni guy na bitbit ang mga bulaklak at binigay ito kay girl. Ang haba lang ng buhok ni girl, naapakan ng iba pang tao sa paaralan kaya nagsipuntahan sa silid at naki usyoso! Si girl ay hindi alam kung paano magrere-act, halatang nasorpresa nga. Si guy naman ay matapang na sinusod ang napagkasunduang plano.
Lahat kinilig at umugong ang malakas na hiyawan na sinundan ng mas malakas na tunog ng bell. Nagsibalikan sa klase ang mga atribida, nagsipaghanda ang lahat, nagdasal at parang wala lang nangyari at nagsimula ang klase. Lumamig man ang kape kong tinimpla, buhay na buhay naman ang aking diwa! Tunay ngang walang kapantay ang kilig sa hayskul layf!
manlalakbay.mapangahas.mapanghamon sa buhay. palaban.tapat na kaibigan.mahal ko ang pagsusulat ayon pa nga sa isang aklat na aking nabasa, ang pagsusulat ay parang pagbubuntis at panganganak. maglilihi ang imahinasyon mo ng mga titik, palalakihin ityo ng iyong guni-guni at unti-unti huhubugin at ipapanganak ng iyong mga kamay upang isilang ang isang panibagong akda na magdudulot ng kasiyahan, pighati, at maaring luha sa ilang mnga mambabasa.
Saturday, March 10, 2012
Friday, March 2, 2012
Tuldok ng Isang Guro

Ang tanong na: Ano ang gusto mong maging paglaki mo? at Bakit?
O, di ba napaka simpleng tanong pero gugugulin na ng mga mag-aaral ang kanilang buong oras sa pagbuo ng komposisyon tungkol dito. Kung minsan pa nga ay magiging takdang -aralin pa dahil sa hindi matapus-tapos ang komposisyong ginagawa sa klase.
Ito ang tanong na paulit-ulit ko ring sinagot sa aking mga komposisyon. At ito ang kadalasang mababasa ng aking guro sa aking sulating pangwakas:
"Ako ay si Ruel Soriano. Paglaki ko ay gusto kong maging isang tanyag na guro. Gusto kong maging isang guro para matulungan ko ang mga kabataang maabot ang kanilang mga pangarap at para matulungan ko rin ang mga mahihirap na bata na makapag-aral at matutong bumasa at sumulat. "
Pambungad na pangungusap pa lamang yan. Ang mga susunod pang mga paliwanag ay kung paano mo maabot ang pangarap mo at kung ano ang kasalukuyan mong ginagawa para maabot ito. Pipigain mo talaga ang utak mong magsulat dahil kinakailangang umabot ka ng isang-daan at limampung salita at hindi bababa sa tatlong talata.
Noon, akala ko ay sinusulat ko lamang iyon dahil sa tingin ko iyon ang pinakamagandang isulat para naman maramdaman ng aking guro na marami palang humahanga sa kanyang napiling propesyon. Sinusulat ko 'yon para ganahan ang aking guro sa pagtuturo at syempre mataas rin ang makukuha kong marka sa aking komposisyon, dahil pumapanig ako sa kanyang pananampalataya bilang isang guro.
Ngunit, hindi ko alam kung talaga nga bang sinubok ng tadhana ang aking mga salitang sinulat sa komposisyong iyon. Dahil paglipas ng mahigit labinlimang taon buhat nang isulat ko ang aking huling komposisyon tungkol sa tanong na iyon ay heto ako at nakatayo sa harap ng maraming mag-aaral at nagtuturo! Oo, tama ka, isa na akong guro ngayon. Siguro nga talagang sinubok ang aking katapatan sa aking sulating pangwakas.
Subalit kagaya ng pagtitiis ko upang buuin ang aking sulatin, ay ganoon din ang aking pinagdaanan upang masungkit ang aking diploma sa pagiging guro. Maraming pagbubura ang aking ginawa sa aking buhay. Maraming pag-aalinlangan kung anong tamang bantas ang dapat na gamitin sa bawat landas na aking tinahak. Maraming beses rin akong napagod at muntik nang sumuko sa pagitan ng bawat talata ng aking buhay. Subalit nagpatuloy ako. Ipinagpatuloy ko kahit na minsan ay nawawalan na ng tinta ang aking ipinaglalaban. Inisip ko na kahit na anong mangyari ay dapat kong tuldukan ang aking sinimulan. Hindi kuwit, hindi tuldok - kuwit, at lalong hindi tandang pananong ang wakas. Kinakailangan ay TULDOK!
At natupad nga naman, naging guro ako. Akala ko puwede ko nang tuldukan, hindi pa pala. Akala ko tapos na dahil hangang dito lang naman ang aking sulating pangwakas, hindi pala. Magsisimula pala ang panibaong yugto ng pagsusulat. Mas mahaba, mas masalimuot na pagbubuo. Hindi na talata ang hinihingi sa pagkakataong ito, kundi mga kabanata na at maraming tauhan na ang pumapasok sa bawat eksena.
Ang sabi ko magiging guro ako para matulungan ang mga batang mahihirap na matutong bumasa at sumulat. Pero bakit ang mga mag-aaral ko ngayon ay mas magaling pa sa akin sa paggamit ng kompyuter? Mas malaki pa ang kanilang mga baon sa loob ng isang buwan kaysa sa aking sinasahod. Kung tutuusin 'di hamak na nakaririwasa sila sa akin. Ito ba ang aking mga pinangarap? Naging tapat ba ako sa aking komposisyon? Ito na ang mga halimbawang komplikadong tanong na pilit kong hinahanapan ng mabisang kasagutan upang mapayapa ang aking kalooban. Pero kung iisang anggulo lamang ang aking titingnan ay masasabi kong hindi ako naging tapat. Kaya hindi ko binura ang aking inumpisahan. Pinili kong magpatuloy sa aking paaralang pinapasukan. Sa paglipas ng isang taong pagiging guro sa isang pribadong paaralan ay natuklasan ko ang mga kasagutan. Ang kasagutan na tama ang aking pagpapatuloy. Ang kasagutan na kinakailangan ako ng mga batang aking minahal at tinuring na parang mga kapatid. Kasagutan na hindi man sila nagdarahop sa buhay ay kinakailangan nila ako sa iba pang aspeto. Na mas kinakailangan nila ang aking pang-unawa at pagmamahal na inaasam nila. Maaring hindi ito diretsang kasagutan sa aking mga tanong pero ito ang mga pinanghahawakan kong dahilan sa ngayon upang ipagpatuloy ang kabanatang ito.
Sa aking pagiging guro ay natuklasan ko ang lihim sa propesyong ito. Naisip ko, naging madaya ang ang aking guro sa elementarya. Hindi n'ya sinabi sa akin na mahirap pala ang pinapangarap ko noon. Hindi niya man lang ibinahagi sa akin ang kanyang pinagdadaanan noong binabasa niya ang aking sulatin. Ngayon ko napagtanto ang hirap at sarap sa pagtuturo. Masarap dahil alam mong nagiging bahagi ka ng bawat tagumpay ng iyong mag-aaral. Nakikitalon ka sa bawat pagwawagi nila. At nakikipaglaban ka rin sa tuwing napapahamak sila. Ang masakit ay dahil alam mong pagkatapos ng sampung buwan ng inyong pagsasama ay aalis sila. Maiiwan ka at maghihintay ng mga panibagong mukha na uupo sa iyong harapan. Masakit dahil sa loob ng inyong pagsasama ay hindi mo sila ituturing na basta mag-aaral lamang. Hindi kagaya sa bangko na pagkatapos makuha ang tseke ay alam mong tapos na ang lahat. Sa paaralan hindi ganito. Ituturing mo silang mga kapatid o anak mo na kailangan mong turuan dahil gusto mong magtagumpay sila. Kapatid mo sila at kaibigan dahil alam mong kinakailangan nila nang maiiyakan sa bawat kabiguan at suliranin nila. Ang lahat nang ito ay hindi ko nakita at naisip habang sinagagot ang tanong sa aking sulatin.
Sa ngayon ay hindi ko pa alam kung paano tutuldukan ang kabanatang ito ng aking buhay. Hindi ko alam kung sino pa ang mga panibagong tauhan na papasok sa mga susunod na eksena. At lalong hindi ko alam kung hanggang anong kabanata at ano ang magiging "twist" sa bandang huli. Ang alam ko lang, hanggat may tintang dumadaloy sa aking panulat, ay patuloy akong gagawa ng marka sa aking buhay..., sa aking kapwa.... at sa mundo....
Subscribe to:
Posts (Atom)